San Miguel, Meralco isasabak ng PBA sa EASL
MANILA, Philippines — Ang San Miguel at Meralco ang isasabak ng PBA para sa darating na 2024-25 East Asia Super League (EASL) season.
Kakampanya ang Beermern at Bolts sa second edition ng EASL home-and-away season na magsisimula sa Oktubre.
Pinagharian ng San Miguel ang import-laden Commissioner’s Cup, habang nagkampeon ang Meralco sa Philippine Cup para sa kanilang kauna-unahang PBA crown.
Magbabalik ang Beermen sa regional league matapos lumahok sa 2023 Champions Week.
Ito rin ang ikalawang pagkakataon na maglalaro ang Bolts matapos sumabak sa first edition ng home-and-away season kasama ang TNT Tropang Giga.
Makakasama ng San Miguel sa Group A ang Japan B.League champion Hiroshima Dragonflies, Korean Basketball League (KBL) runners-up Suwon KT Sonicboom at P. League+ runners-up Taoyuan Pauian Pilots.
Nasa Group B naman ang Meralco kasama ang KBL champions Busan KCC Egis, P. League+ counterparts New Taipei Kings at Japan B.League runners-up Ryukyu Golden Kings.
Samantala, lalahok ang mga foreign teams na Hong Kong Eastern at Singapore Slingers sa PBA Commissioner’s Cup na nakatakda sa Nobyembre o Disyembre.
Magsisimula ang PBA Season 49 Governors’ Cup sa Agosto 18 at inaasahang magtatapos sa Nobyembre 10.
Magbibigay-daan ang PBA para sa FIBA Asia Cup qualifying window sa Nobyembre 18-26 kung saan sasalang ang Gilas Pilipinas.
- Latest