Timberwolves na-sweep ang Suns
PHOENIX — Tuluyan nang winalis ng Minnesota Timberwolves ang Suns sa kanilang Western Conference first-round playoff series matapos ang 122-116 panalo sa Game Four.
Umiskor si Edwards ng 31 sa kanyang 40 points sa second half habang may 28 markers si Karl-Anthony Towns para sa unang playoff series win ng Minnesota franchise sa loob ng 20 taon.
Sasagupain ng Timberwolves sa second round ang mananalo sa first-round duel ng nagdedepensang Denver Nuggets at Los Angeles Lakers.
Kumamada si Devin Booker ng 49 points kasunod ang 33 markers ni Kevin Durant sa panig ng Suns.
Ang one-handed jam ng 22-anyos na si Edwards ang nagbigay sa Minnesota ng 115-111 bentahe kontra sa Phoenix sa huling 2:14 minuto ng fourth quarter.
Sa Indianapolis, umiskor si Myle Turner ng 29 points sa 126-113 paggupo ng Indiana Pacers sa Milwaukee Bucks sa Game Four at kunin ang 3-1 lead sa kanilang Eastern Conference first-round playoff series.
Sa Philadelphia, nagpasabog si point guard Jalen Brunson ng career playoff-high 47 points para akayin ang New York Knicks sa 97-92 panalo sa 76ers sa Game Four at ilista ang 3-1 lead sa kanilang first-round playoff series duel.
Sa Dallas, bumira sina Paul George at James Harden ng tig-33 points sa 116-111 pagpapatumba ng Los Angeles Clippers sa Mavericks sa Game Four at itabla sa 2-2 ang kanilang Western Conference first-round playoff series.
- Latest