Nuggets, Knicks lumapit sa Conference Finals
DENVER — Humakot si Nikola Jokic ng 40 points, 13 assists at 7 rebounds sa 112-97 panalo ng nagdedepensang Nuggets sa Minnesota Timberwolves sa Game Five at angkinin ang 3-2 lead sa Western Conference semifinals series.
Bago ang laro ay tinanggap ni Jokic ang kanyang ikatlong NBA MVP trophy.
Kumolekta si Aaron Gordon ng 18 points at 10 boards at may 16 markers si Jamal Murray para sa Denver na lumapit sa Western Conference finals.
Pinamunuan ni Karl Anthony-Towns ang Minnesota sa kanyang 23 points kasunod ang tig-18 markers nina Anthony Edwards at Rudy Gobert.
Umiskor si Jokic ng 19 points sa first half para ibigay sa Nuggets ang 50-44 halftime lead patungo sa pagtatala ng 14-point lead sa Timberwolves sa third quarter.
Ang dunk ni Jokic sa 7:12 minuto sa fourth period ang nag-angat sa Denver sa 98-80 bago nakalapit ang Minnesota sa 92-103.
Sa New York, nagpasabog si Jalen Brunson ng 44 points para akayin ang Knicks sa 121-91 pagresbak sa Indiana Pacers sa Game Five at kunin ang 3-2 lead sa Eastern Conference semifinals series.
Nagtala si Josh Hart ng 18 points at 11 rebounds habang may 17 markers si Deuce McBride para sa paglapit ng New York sa unang Eastern Conference finals sapul noong 2000.
- Latest