Bolts nagpalakas sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Dumiretso ang Meralco sa ikalawang sunod na ratsada matapos basagin ang Magnolia, 74-51, para palakasin ang tsansa sa quarterfinals ng Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humakot si 6-foot-8 Raymond Almazan ng 12 points at 11 rebounds habang may 12 markers din si Chris Newsome para sa 5-5 baraha ng Bolts.
Para makapasok sa eight-team quarterfinal cast ay kailangan nilang talunin ang San Miguel sa kanilang huling laro sa Sabado.
“It’s one game, we know that we just put ourselves in a better situation now and I think from three to nine, it could be anybody there. So we’re knocking each other out,” ani coach Luigi Trillo.
Nagdagdag si Chris Banchero ng 11 markers at may 10 points at 6 boards si rookie center Brandon Bates.
“Iyong mga upcoming games namin sobrang importante, especially iyong game namin sa Saturday against San Miguel,” wika ni Almazan.
Ito naman ang pangalawang dikit na kamalasan ng Hotshots para sa 5-4 marka at walang player na nakaiskor ng double digit.
Mula sa 21-14 abante sa first period ay kumawala ang Meralco sa second quarter para tangayin ang 35-21 kalamangan patungo sa pagtatayo ng 23-point lead, 63-40, sa 8:35 minuto ng fourth quarter.
Lalo pang nabaon ang Magnolia, naglaro na wala sina injured Jio Jalalon at Calvin Abueva, sa 49-74 matapos ang three-point shot ni Diego Dario sa huling 15 segundo ng laro.
Nagposte si Ian Sangalang ng 8 points, 10 rebounds at 2 assists para sa Hotshots habang may tig-anim na marka sina Paul Lee, Atis Dionisio at James Laput.
Iiwasan ng Hotshots na mahulog sa ikatlong sunod na kabiguan sa pagharap sa Dyip.
- Latest