Bawat panalo mahalaga sa Cool Smashers
MANILA, Philippines — Sa dikit-dikit na kartada ng mga powerhouse teams ay importante ang bawat panalo para makapasok sa semifinal round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Ipinakita ito ng nagdedepensang Creamline matapos itakas ang dramatikong come-from-behind 26-28, 22-25, 25-22, 25-21, 16-14 win sa Cignal HD noong Martes ng gabi.
“Napakahalaga ng panalo ngayon sa standings,” wika ni coach Sherwin Meneses sa kanyang Cool Smashers. “Ibang teams kasi dikit-dikit siya talaga, every win kailangan makuha.”
Muling napasakamay ng Cool Smashers ang solong liderato sa kanilang bitbit na 6-1 record kasunod ang PLDT Home Fibr (5-1), Choco Mucho (5-1), Petro Gazz (5-2), Chery Tiggo (5-2), Cignal (4-2), Akari (2-4), Farm Fresh (2-4), Galeries Tower (2-4), Nxled (1-5), Capital1 Solar Energy (1-6) at Strong Group Athletics (0-6).
Nauna nang yumukod ang Cool Smashers sa mainit na Crossovers, 18-25, 24-26, 23-25, para sa kanilang unang kabiguan sa torneo.
Sa panalo ng six-time PVL champions sa HD Spikers ay humataw si Tots Carlos ng bagong career-high na 38 points mula sa 35 kills at tatlong kill blocks.
“I’m so happy kasi hindi sumuko ang team. We really did our best to bounce back,” wika ni Carlos.
“Madami pang kailangan na pag-aralan. Cignal played well at kailangan pa naming itaas ang level ng laro namin,” dagdag pa ni Carlos.
Magbabalik ang mga aksyon ng liga sa Abril 2 matapos ang Holy Week.
- Latest