Olympic slot target ni Cruz
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ni Pinay table tennis phenom Kheith Ryhnne Cruz ang tiket para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France sa Hulyo.
Buo ang loob ni Cruz, ang World Table Tennis Youth Challenge 19-under champion, na masundan ang mga yapak ng namayapang idolo na si Ian Lariba.
Sasalang ang Philippine women’s No.1 player sa dalawang Olympic qualifying tournament sa European Open sa Abril at sa Asian Table Tennis Championship sa Bangkok, Thailand sa Mayo.
Kakailanganin niya ang isang himala para makalagpas sa nasabing mga torneo.
“Sa Europe Open po sa mixed doubles po ako lalaro kasama si kuya John Nayre. Dito po kailangan naming makalusot dahil top four lang ang mabibigyan ng slots para sa Paris Games,” ani Cruz.
“Sa Asian Championships naman po sa women’s singles ako lalaro at kailangan kong mag-champion dahil isang slot lang ang kailangan para sa Olympics,” dagdag ng 17-anyos na World No. 66 sa 17-under class.
Matapos magreyna sa WTTYC noong Disyembre sa Palawan ay naglaro ang Grade 12 student ng Paco Citizen Academy Foundation sa ilang torneo sa US upang higit na maihanda ang sarili para sa katuparan ng kanyang ultimate goal – ang makalaro sa Olympics.
“Kung papalarin ako this year, malaking pasalamat po, pero kung hindi sa susunod na Olympics tatargetin ko,” sabi ni Cruz sa TOPS Forum na hatid ng PSC, Behrouz Persian Cuisine at Pocari. “Ito po iyong dream ko iyong matularan ang success ng idol kong si Ate Yan-Yan (Lariba).”
Nakatakdang tumulak pabalik sa California si Cruz para magsanay sa Triple 8 Club Center.
- Latest