Isa na lang sa Lady Blazers, Altas Spikers
MANILA, Philippines — Namumuro na ang defending champions College of Saint Benilde na makasikwat muli ng korona matapos nilang pagulungin ang Letran, 25-22, 25-15, 25-14 sa Game 1 ng best-of-three finals ng NCAA Season 99 women’s volleyball tournament na nilaro sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan kahapon.
Dahil sa panalo, napahaba ng Lady Blazers ang kanilang winning-streak sa 39 at isang panalo na lang ay makakagawa ng history ang CSB na unang naka sungkit ng three-peat title.
Kahit nawalis ng CSB ang Letran ay bahagya silang napahirapan sa set 1.
Naghabol ang CSB ng dalawang puntos, 18-20 sa unang frame pero naging matatag sila para makuha ang panalo.
Sa set two at three, hindi nahirapan ang Lady Blazers manalo matapos magtulungan sina Pascual at Michelle Gamit sa opensa.
Tumikada sina Pascual at Gamit ng tig-14 points habang 12 ang kinana ni Zamantha Nolasco.
Samantala, lumalapit ang defending champion Perpetual Altas Spikers sa asam na kampeonato matapos payukuin ang Emilio Aguinaldo College 24-26, 25-20, 27-25, 25-19 sa Game 1 ng men’s finals.
Ayon kay reigning MVP Louie Ramirez importante ang kanilang panalo sa Game 1 kaya naman namumuro ang Perpetual Help sa pagsilo ng korona.
‘Mahalaga po itong Game 1 para sa amin to get the advantage sa series’ luckily nakuha namin”, ani Ramirez.
Napahirapan din ang Altas Spikers dahil umabot sa dalawang oras at 11 minuto ang kinailangan ng Las Piñas City based tossers para pasukuin ang Generals.
Nanguna si Ramirez sa opensa para sa Altas Spikers matapos irehistro ang 23 points at 23 excellent receptions.
- Latest