Blazers lusot sa Champions League semis
MANILA, Philippines — Hinataw ng College of Saint Benilde ang huling semifinals ticket matapos talunin ang PGJC Philippine Navy, 26-24, 25-22, 14-25, 25-22, sa pagsasara ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League men’s division eliminations noong Miyerkules sa Rizal Memorial Coliseum.
Makakasama ng Blazers sa semis ang Cignal HD Spikers, Iloilo D’Navigators, VNS Asereht at Griffins.
Bigo ang St. Benilde sa Cignal sa opener ngunit ang dalawang sunod na panalo ang nagbigay sa kanila ng No. 2 spot sa Pool A at inilaglag ang Savouge (1-2) at Navy (0-3).
Naglista sina Jacob Herrera at Mike Balbacal ng tig-12 points at may 11 markers si James Marasigan para pangunahan ang Blazers papasok sa semis.
Haharapin ng St. Benilde sa semis ang unbeaten Pool B leader Iloilo, samantalang lalabanan ng Pool A topnotcher Cignal ang VNS sa torneong inorganisa ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara.
Nauna nang yumukod ang Blazers sa D’Navigators sa eliminasyon.
Winalis naman ng Cignal ang Pool A kasama ang 25-15, 25-16, 25-22 panalo sa Savouge tampok ang 11 points ni Joshua Umandal.
Sa iba pang semis matches sa Pool B, dinaig ng Army ang Air Force, 25-19, 25-14, 19-25, 25-14, sa laban ng dalawang sibak nang koponan.
- Latest