San Miguel nilasing muli ang Magnolia
MANILA, Philippines — Muling pinatumba ng San Miguel ang Magnolia, 109-85, sa Game Two ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ipinoste ng Beermen ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng Hotshots na nauna nilang giniba sa Game One, 103-95.
Humakot si import Bennie Boatwright, Jr. ng 34 points, 10 rebounds at 5 assists at may 20 at 19 markers sina CJ Perez at seven-time MVP June Mar Fajardo, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 31-25 abante sa first period ay kumamada ang San Miguel ng 8-0 atake para iwanan ang Magnolia sa 39-25 sa pagsisimula ng second quarter patungo sa pagtatala ng 54-36 abante.
Lalo pang umarangkada ang Beermen sa third canto nang magtayo ng isang 28--point lead, 72-44, mula sa jumper ni Marco Lassiter sa 5:17 minuto nito.
Ilang beses nagtangkang humabol ng Hotshots sa fourth period kagaya ng kanilang ginawang pagresbak sa Beermen sa Game One.
Huling nagbanta ang Magnolia sa 69-86 sa likod nina import Tyler Bey at Paul Lee sa 8:01 minuto ng laro.
Ngunit muling nagtuwang sina Boatwright, Perez, Fajardo at Jericho Cruz para muling ilayo ang San Miguel sa 100-77 sa huling 3:39 minuto.
- Latest