Celtics tinapos ang suwerte ng Pacers
INDIANAPOLIS , Philippines — Humataw si Jayson Tatum ng 38 points tampok ang season-high na walong three-pointers para pamunuan ang Boston Celtics sa 118-101 dominasyon sa Indiana Pacers.
Nag-ambag si Jaylen Brown ng 33 markers para tapusin ng Celtics (28-7) ang six-game winning streak ng Pacers (20-15).
Tumipa rin si Tatum ng 13 rebounds at 6 assists para sa Boston na humakot ng 70 rebounds kumpara sa 42 ng Indiana na nakahugot kay Bennedict Mathurin ng 20 points habang kumolekta si Tyrese Haliburton ng 17 points, 7 assists, 6 rebounds at 5 steals.
Mula sa 48-59 halftime deficit ay nakalapit ang Pacers sa 81-84 papasok sa fourth period hanggang kumawala ang Celtics sa final canto at itinayo ang isang 19-point lead.
Sa Houston, umiskor si center Alperen Sengun ng 21 points at nalampasan ng Rockets (18-16) ang 48 points ni Giannis Antetokounmpo sa 112-108 pagdaig sa Milwaukee Bucks (25-11).
Sa Philadelphia, humakot si Lauri Markkanen ng 33 points at 13 rebounds at nag-ambag si Collin Sexton ng 22 points at 10 assists sa 120-109 panalo ng Utah Jazz (17-20) sa Joel Embiid-less 76ers (23-12).
Sa Washington, naghulog si Julius Randle ng 39 points at may 33 markers si Jalen Brunson para igiya ang New York Knicks (21-15) sa 121-105 panalo sa Wizards (6-29).
- Latest