KKD, Majoy, Fajardo sa PLDT?
MANILA, Philippines — Pumutok ang usap-usapan sa social media sa pagpasok nina F2 Logistics players Kim Kianna Dy, Majoy Baron at Kim Fajardo sa PLDT High Speed Hitters.
Hindi maawat ang palitan ng mga players sa Premier Volleyball League (PVL) mahigit isang buwan bago magsimula ang All-Filipino Conference sa Pebrero 17.
Ilang sources ang nagkumpirma ng paglipat nina Dy, Baron at Fajardo matapos mabuwag ang Cargo Movers noong nakaraang taon.
Wala pang kumpirmasyon ang pamunuan ng PLDT.
Hindi pa rin nagsasalita sina Dy, Baron at Fajardo sa paglipat nito sa High Speed Hitters.
Kaliwa’t kanan ang lipatan ng mga players kabilang na ang mga kapwa F2 Logistics players nito na bahagi ng nadisband na team.
May mga bagong teams na sina Jovelyn Fernandez, Joy Dacoron at Ethan Arce na dating miyembro ng Cargo Movers.
Kinuha ng Cignal HD Spikers si Fernandez para magdagdag ng puwersa sa kanilang opposite position.
Masaya ang UAAP Best Opposite Spiker sa pagpunta nito sa Cignal dahil makakasama nito ang mga dating FEU players na sina Gel Cayuna at Chin Chin Basas.
“Excited na ako sa mga matututunan ko sa team lalo na kay coach Shaq Delos Santos,” ani Fernandez.
Sa kabilang banda, mapupunta naman sina Dacoron at Arce sa Petro Gazz.
Inaasahang makakatulong sina Dacoron at Arce sa middle position dahil nagtamo ng injury si Ranya Musa.
Malaking lundag din ang gagawin ni dating Petro Gazz outside hitter Grethcel Soltones na lumipat sa Akari Chargers.
Apat na taon na namalagi si Soltones sa Gazz Angels kung saan bahagi ito ng tropa na nakapilak sa First All-Filipino Conference noong nakaraang taon.
Malaking tulong si Soltones sa Chargers para makatuwang sina Dindin Santiago-Manabat, Faith Nisperos, Erika Raagas, Michelle Cobb at Fifi Sharma.
- Latest