Durant bumira ng triple-double sa Suns
Rockets pinasabog
HOUSTON -- Nagposte si Kevin Durant ng 27 points, 10 rebounds at career-high 16 assists para sa kanyang ika-18 career triple-double at tinulungan ang Phoenix Suns sa 129-113 pagpapabagsak sa Rockets.
Tinapos ng Phoenix (15-15) ang kanilang three-game losing skid para sa unang road victory sapul noong Nobyembre 26.
Umiskor din si Eric Gordon ng 27 points habang may 20 at 16 markers sina Devin Booker at Grayson Allen, ayon sa pagkakasunod.
Pinangunahan ni center Alperen Sengun ang Houston (15-14) sa kanyang 24 points at nag-ambag si Fil-Am guard Jalen Green ng 23 markers tampok ang season-high na anim na 3-pointers.
Tumipa si Gordon ng 17 points sa 43-point second quarter ng Suns patungo sa 73-55 halftime lead sa Rockets na hindi na nakadikit sa second half.
Sa Orlando, umiskor si Tyrese Maxey ng 23 points at may tig-22 markers sina Tobias Harris at De’Anthony Melton sa 112-92 pagdaig ng Philadelphia 76ers (21-9) sa Magic (18-12) bagama’t hindi naglaro si reigning MVP Joel Embiid.
Sa Oklahoma City, nagtala sina Shai Gilgeous-Alexander at Jalen Williams ng tig-36 points sa 129-120 paggupo ng Thunder (20-9) sa New York Knicks (17-13).
Sa New York, humakot si Giannis Antetokounmpo ng 32 points, 10 rebounds at 8 assists para igiya ang Milwaukee Bucks (23-8) sa 144-122 paglampaso sa Brooklyn Nets (15-16).
- Latest