Cignal umeskapo sa F2
MANILA, Philippines — Idiniretso ng Cignal HD ang kanilang pananalasa sa lima matapos umeskapo sa F2 Logistics, 25-23, 22-25, 26-24, 26-24, sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Humampas si Ces Molina ng 22 points tampok ang 20 attacks para akayin ang HD Spikers sa 6-2 record at palakasin ang pag-asa sa semifinal round.
Nagdagdag si Jovs Gonzaga ng 15 markers habang may 13, 12 at 11 markers sina Vanie Gandler, Rose Doria at Riri Meneses, ayon sa pagkakasunod.
“Hopefully, huwag kaming ma-satisfy doon sa nakukuha namin kasi alam namin iyong pagdadaanan pa namin,” sabi ni coach Shaq delos Santos.
“May last three games kaming natitira at paghahandaan namin.”
Nabalewala ang hinataw na 30 points ni Jolina Dela Cruz mula sa 28 hits, 1 block at 1 ace sa panig ng Cargo Movers na nahulog sa 4-4 baraha.
Sa inisyal na laro, pinatalsik ng Nxled ang Galeries Tower sa bisa ng kanilang 25-22, 25-18, 25-17 panalo.
Pumalo si Jhoana Maraguinot ng 13 points buhat sa 11 attacks mula sa 7 excellent digs at 6 excellent receptions para sa ikalawang sunod na panalo ng Chameleons at iposte ang 3-5 kartada.
Nag-ambag si Krich Macaslang ng 11 points mula sa 8 attacks, 2 aces at 1 block habang may 10 markers si Lycha Ebon.
“Actually, in the first and second sets, our players were moving tightly. I think they were somewhat afraid to play inside the court against Galeries,” wika ni Japanese coach Taka Minowa.
- Latest