Lady Bulldogs, Tams biyaheng semis
MANILA, Philippines — Nagposte si reigning SSL MVP Alyssa Solomon ng 13 points mula sa 11 hits, 1 ace at 1 block para tulungan ang reigning champion National University sa 25-19, 25-21, 25-23 pagsibak sa University of the East sa quarterfinals ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Pasok ang Lady Bulldogs sa knockout semifinals kung saan nila lalabanan ang mananaig sa quarterfinals match ng Adamson Lady Falcons at Arellano Lady Chiefs.
“Ito papasok na ng semis, dapat huwag kaming magsawa sa pagkatuto every training. Kailangan pa naming mag-improve every game,” ani Solomon sa NU na winalis ang Pool E para sa ‘twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Nagdagdag sina dating UAAP Rookie-MVP Mhicaela Belen at rookie Arah Ellah Panique ng tig-10 points.
Samantala, swak din sa semis ang Far Eastern University, bumandera sa Pool F, matapos patalsikin ang Ateneo, 25-19, 25-18, 25-18.
Sasagupain ng Lady Tamaraws ang alinman sa NCAA champion College of St. Benilde Lady Blazers o University of Santo Tomas Tigresses sa knockout semis.
“Maglalaban pa UST and CSB so mapag-aaralan pa namin both teams kung ano strengths and weaknesses nila para maka-adjust kami. It will be a long preparation for us,” ani FEU interim mentor Manolo Refugia.
Noong Sabado ay tinalo ng St. Benilde ang may ‘twice-to-beat’ advantage na UST, 25-22, 23-25, 18-25, 25-23, 15-11.
Naglista si Faida Bakanke ng 18 points mula sa 15 attacks at 3 blocks para sa FEU na nauna nang binigo ang Ateneo sa eliminasyon, 22-25, 23-25, 25-20, 25-22, 15-10.
Bumanat si Kiesha Bedonia ng 10 points para sa Lady Tamaraws.
- Latest