2nd ASIAD gold nagmula kay Ochoa
MANILA, Philippines — Dinuplika ni world jiu-jitsu champion Meggie Ochoa ang gold medal ni World No. 2 pole vaulter Ernest John Obiena habang target ng Gilas Pilipinas ang korona ng men’s basketball sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Tinalo ni Ochoa si Balqees Abdulla ng United Arab Emirates via 1-0 advantage sa finals ng women’s 48 kilogram class para ibulsa ang ikalawang ginto ng Pilipinas sa quadrennial event.
Ang Asiad gold ang pinakabago sa mga ko-leksyon ng 33-anyos naa si Ochoa bukod sa ginto sa 2023 Asian Jiu-Jitsu Championships, dalawang world titles, dalawang ginto sa Southeast Asian Games at isang ginto sa Asian Indoor and Martial Arts Games.
Ang gold medal din ang pakay ng Gilas Pilipinas sa pagsagupa sa Jordan sa finals ngayong alas-8 ng gabi.
Huling naglaro ang mga Pinoy cagers sa Asiad finals noong 1990 kung saan inihatid ni PBA legend Robert Jaworski ang isang all-PBA team sa silver medal finish.
Nagkampeon ang Pinas noong 1962 para sa pinakahuling kampeonato.
Nagkasya si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial sa silver matapos ang 0-5 pagkatalo kay Chinese Tanglatihan Tuohetaerbieke, 0-5, sa finals ng men’s 80 kilogram division.
Ito ang ikalawang pilak na medalya ng bansa bukod sa nakuha ni sanda fighter Ariel Mandal sa wushu.
Sa karatedo, nag-ambag si Sakura Alforte ng tanso sa women’s individual kata mula sa pagdaig kay Hui Hsuan Chien ng Chinese Taipei.
Wala ring nakuhang medalya si Marc Alexander Lim matapos yumukod kay Mansur Khabibulla ng Kazakhstan sa bronze medal match ng men’s 62-kg repechage event.
Sa cycling, minalas sa medalya sina Ronald Oranza, Jonel Carcueva at Joshua Pascual sa men’s road race event.
Inilagay si Pinay mountain bike rider Ariana Evangelista sa provisional suspension matapos magpositibo sa banned substance na erythropoietin (EPO), ayon sa International Testing Agency.
- Latest