No. 2 scorer si Clarkson sa FIBA World Cup
MANILA, Philippines — Ipinamalas ni Fil-Am Jordan Clarkson ang kanyang gilas matapos pumangalawa sa mga leading scorers ng 2023 FIBA World Cup sa pagtatapos ng elimination round.
Tumikada ang pambato ng Gilas Pilipinas ng average na 26.0 points per game para sa kabuuang 130 points para magtapos sa likod ni Slovenian star guard Luka Doncic na may 132 points at 26.4 points average.
Sa kabuuan ay nagtala rin ang dating NBA Sixth Man of the Year mula sa Utah Jazz ng 4.6 rebounds, 5.2 assists at 1.2 steals sa limang laban ng Gilas.
Pinakamakinang na performance ni Clarkson ang 34-point eruption sa 96-75 panalo ng Gilas sa China para sa magilas na pagtatapos ng kanilang kampanya.
Nagtapos ang Gilas na may 1-4 kartada upang makaiwas sa winless campaign sa harap ng mga Filipino fans at nakasiguro ng tiket sa Olympic Qualifying Tournaments para sa Paris Olympics matapos ang 24th place finish.
Una siyang tumipa ng 24 points sa 81-87 kabiguan ng Gilas sa Dominican Republic bago kumamada ng 21, 23 at 24 points kontra sa Angola, Italy at South Sudan, ayon sa pagkakasunod.
Kinumpleto nina Lauri Markkanen (24.8) ng Finland, Karl-Anthony Towns (24.4) ng Dominican Republic at Shai Gilgeous-Alexander (23.8) ng Canada ang Top 5 scorers sa World Cup.
Swak din sa Top 10 sina Rondae Hollis-Jefferson (23.6) ng Jordan, Joshua Hawkinson (21.0) ng Japan, Carlik Jones (20.4) ng South Sudan, Anthony Edwards (20.2 ng USA at Tremont Waters (20.0) ng Puerto Rico.
Bandera naman sina Edy Tavares ng Cape Verde sa rebounds, Jones ng South Sudan sa assists (10.4), Ehab Amin ng Egypy sa steals (2.6) at Wenyen Gabriel ng South Sudan sa blocks (2.6) pati na si Hawkinson ng Japan sa efficiency rating (28.6).
- Latest