Biado hari sa World 9-ball

MANILA, Philippines — Nagbigay muli ng karangalan sa Pilipinas si Carlo Biado nang tumbukin nito ang 15-13 panalo at hubaran ng titulo si Fedor Gorst ng USA sa Race-to-15 finals ng 33rd World Pool Championship na nilaro sa Green Halls sa Jeddah Saudi Arabia, kahapon ng madaling araw.
Halos mga Pinoy ang mga nanood sa online dahil mga tagalog ang salita sa mga komento kaya kahit madaling araw na ay todo pa rin ang suporta sa 41-anyos na si Biado.
Dahil sa tagumpay, sinargo ni Biado ang pangalawang WPA World 9-Ball title at naibulsa ang tumataginting na $250,000 premyo.
May tatlong world title na si Biado, nakopo ang una noong WPA 9-Ball 2017 at siya ang reigning 2024 World Ten-ball Championship ruler.
Buo ang loob ni Biado, hindi nasira ang diskarte kahit naunahan ito ng dalawang racks, 0-2 sa kaagahan ng bakbakan, nanatiling naka-pokus sa laban at unti-unti nitong inaagaw ang bentahe para makuha ang titulo sa $1M prize fund tournament.
Nakalaban ni Biado ang kababayang si Bernie Regalario sa semifinals kung saan ay sinargo nito ang 11-3 panalo sa kanilang Race-to-11 match kaya umusad ito sa championship round.
Habang pinagulong naman ni Gorst sa last 4 si Kledio Kaci ng Albania, 11-7.
Nabingwit ni Gorst ang $100,000 second place prize habang tig-$50,000 ang dalawang semifinalists na sina Regalario at Kaci.
- Latest


















