Pacquiao gustong lumaban sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Desidido si eight-division world boxing champion Manny Pacquiao na sumabak sa Olympic Games na idaraos sa susunod na taon sa Paris, France.
Ito ang isiniwalat ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino kahapon matapos lumapit ang kampo ni Pacquiao sa kanya upang malaman ang paraan para magkwalipika sa Paris Games.
Kaya naman, agad na nakipag-ugnayan ang POC sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at International Olympic Committee (IOC) na siyang humahawak sa Olympic boxing habang suspendido pa ang International Boxing Association.
“Senator Pacquiao’s camp reached out saying our Filipino ring idol wants to fight in Paris. But the Senator can no longer vie for qualification in the Asian Games in Hangzhou next month,” ani Tolentino.
Hindi na makalalahok pa si Pacquiao sa Asian Games na idaraos sa susunod na buwan sa Hangzhou, China dahil tapos na ang deadline sa pagsusumite ng lineup.
Ang Asian Games ay qualifying event para sa Paris Olympics.
Bukod pa rito ang age limit sa Asian Games kung saan hanggang edad 40 lamang maaaring lumahok ang isang atleta. Nasa 44-anyos na si Pacquiao.
Isa pang posibleng maging daan ni Pacquiao para makapasok sa Paris Games ay ang ‘Universality’ rule na ibinibigay ng IOC.
Subalit siyam na slots lamang ang nasa ilalim ng Universality — apat sa lalaki at lima sa babae.
Sinabi ni Tolentino na handa ang ABAP na buksan ang pintuan nito para kay Pacquiao.
May bigat na 66kg si Pacquiao kaya’t pipipli ito sa dalawang dibisyon kung saan nito nais lumaban — sa 63.50kg o 70 kg na nasa listahan ng events sa Paris Games.
- Latest