Hollis-Jefferson babalikan ang Tropang Giga sa PBA
MANILA, Philippines — Bukas si Rondae Hollis-Jefferson na maglaro sa ibang bansa at makabalik din sa NBA subalit sa Pilipinas muna susunod na sasabak pagkatapos ng kampanya kasama ang Jordan sa 2023 FIBA World Cup na dito rin idinaraos.
Ayon kay Jefferson, balik-TNT Tropang Giga siya simula sa Oktubre para sa pagbubukas ng PBA Season 48 na magsisimula muna sa Commissioner’s Cup sa unang pagkakataon.
“I’m playing in the Philippines this upcoming season. That season ends in February so I’m open to whoever wants to call,” ani Hollis-Jefferson na unti-unting umuugong ang pangalan na makabalik sa NBA.
Bilang naturalized player ng Jordan, halos hindi maawat si Hollis-Jefferson sa kanyang individual performance kahit wala pang panalo ang Jordan sa Group C sa MOA Arena.
Pumukol si Hollis-Jefferson ng 24 points, 9 rebounds at 3 assists sa 71-92 kabiguan ng Jordan kontra sa Greece bago magliyab sa 39 points, 9 rebounds, 4 assists at 2 steals sa 86-95 overtime loss sa New Zealand.
Dahil dito ay naging fan favorite para sa mga Pinoy ang 28-anyos na si Hollis-Jefferson mula sa pagiging waring public enemy No. 1 bilang kalaban ng Ginebra tampok pa si Gilas naturalized player Justin Brownlee sa PBA finals.
Sa katunayan ay nabansagan pa siyang “Kobe Bryant” ng mga Pinoy fans dahil sa mga pambihirang moves.
“It means a lot, it’s an honor,” ani Hollis-Jefferson na tinanghal na Best Import sa PBA matapos gabayan ang TNT sa 2023 PBA Governors’ Cup championship kontra sa Ginebra.
- Latest