Cruz, Taguinota, Dean at Enot pasok sa QTS
MANILA, Philippines — Nakalusot sa qualifying time standard (QTS) ang apat na batang swimmers sa Luzon national tryouts para sa mabubuong Philippine team ilalahok sa darating na 35th Southeast Asian Age Group Swimming Championships sa Indonesia.
Dahil rito ay nabigyan ng ‘provisionary’ status para sa binubuong Philippine team sina Catherine Cruz ng Mabalacat Race Pace Swim Team, Arabella Nadeen Taguinota ng Pasig City Swimming, gayundin sina Peter Cyrus Dean ng Killerwhale Elite Swim Team Quezon at Ivo Nikolai Enot ng Ayala Harpoons Swim Club.
Lumangoy ang 15-anyos na si Cruz ng 2:13.15 sa girls’ 14-15 200-meter freestyle para lampasan ang 2:13.23 qualifying tiem standard sa Luzon tryouts na inorganisa ng Philippine Swimming Inc. (PSI) sa pamumuno nina president Miko Vargas at secretary-general at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain at idinaos sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
“Ang hinahanap na national tryouts ng marami, ipagkakaloob po natin para mabigyan ang lahat ng pagkakataon na maipakita ang kanilang husay at mapabilang sa National Team,” wika ni Buhain, isang Olympian at Sports Hall of Famer.
Bumandera naman si Taguinota sa girls’ 14-15 100m breaststroke sa bilis na 1:15.57 kumpara sa 1:17.89 QTS sa torneong itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Speedo.
Pasok sa QTS na 28.10 segundo sina Dean at Enot sa kanilang tiyempong 27.97 segundo at 28.07 segundo, ayon sa pagkakasunod, sa boys’ 16-18 50m backstroke.
Sasalang ang mabubuong national team sa SEA Age Group Swimming Championships sa Agosto 24-26 sa Jakarta, Indonesia.
Sinabi ni event organizer at coach Chito Rivera na ‘provisionary status’ pa lamang ang apat na swimmers dahil may tatlo pang national tryouts ang isasagawa.
- Latest