Table tennis, karate sa TOPS
MANILA, Philippines — Kahandaan ng Philippine karate at table tennis team ang hihimayin sa pagdalo ng opisyal ng dalawang sports association sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes (Marso 2) sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Center (RSMC) sa Malate, Manila.
Isisiwalat ni Karate Pilipinas Sports Federation, Inc. (PSFI) president Richard Lim ang paghahandang ginagawa ng Pinoy Karatekas sa pagsabak sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa programang sisimulan sa alas-10:30 ng umaga sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission at Behrouz Persian Cuisine.
Isa sa maasahang combat sports sa bansa, ang karate ay hindi nagpapahuli sa pagani ng mga karangalan mula sa international competition.
Inaasahan ding matatalakay sa usapin ang hosting ng Pilipinas sa 10th Southeast Asia Karate Federation Championship na nakatakda sa Marso 13-19.
Makikiisa rin sa talakayan si Ting Ledesma, pangulo ng Philippine Table Tennis Federation (PTTF) , para sa naging kaganapan sa katatapos na national selection ng asosasyon para mapili ang mga ipadadala sa Cambodia edition ng quadrennial meet.
Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo-Meraña ng PPSNgayon/PM ang mga miyembro at opisyal, gayundin ang mga sports enthusiasts na makilahok sa programa na mapapanood din sa TOPS ‘Usapang Sports’ group page via livestreaming, gayundin sa Channel 8 at 45 ng Pinoy Ako (PIKO) mobile apps broadcast network.
- Latest