F2, Cignal lalapit sa semis
MANILA, Philippines — Target ng Cignal at F2 Logistics na mapalakas ang tsansa nito sa Final Four sa pagharap sa magkaibang karibal ngayong araw sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Smart Araneta Coliseum.
Sasagupain ng HD Spikers ang PLDT Home Fibr sa alas-2:30 ng hapon habang titipanin naman ng Cargo Movers ang Akari sa alas-5:30 ng hapon.
Pukpukan ang labanan para sa huling dalawang silya sa semis.
Okupado na ng Creamline (6-1) at Chery Tiggo (5-2) ang unang dalawang puwesto sa Final Four.
Tangan ang 4-2 marka, isang panalo na lamang ang kailangan ng Petro Gazz para masiguro ang ikatlong semis spot.
Magkasalo naman sa No. 4 ang Cargo Movers at HD Spikers na may magkatulad na 3-2 baraha.
Kaya naman inaasahang ilalabas na ng F2 Logistics at Cignal ang buong puwersa nito para manatiling buhay ang pag-asa sa semis.
Nakasakay ang Cargo Movers sa three-game winning streak kabilang ang five-setter win laban sa Cool Smashers noong nakaraang linggo.
Muling hahataw para sa Cargo Movers si American import Lindsay Stalzer kasama sina Aby Maraño, Kim KIanna Dy, Ivy Lacsina at playmaker Kim Fajardo.
Sibak na ang Akari na may 2-5 marka ngunit maglalabas pa rin ito ng pangil upang bigyan ng magandang exit ang kanilang tropa sa season na ito.
Mangunguna sa opensa ng Chargers si three-time Olympian Prisilla River kasama sina local players Erika Raagas, Jhoanna Maraguinot, Michelle Cobb at Gen Casugod.
- Latest


















