Semis natuhog ng Lady Chiefs
MANILA, Philippines — Nasawata ng defending champion Arellano University ang paghahabol ng Emilio Aguinaldo College sa huling sandali ng laro upang itakas ang 25-21, 25-18, 26-24 panalo kahapon sa NCAA Season 97 women’s volleyball tournament sa Paco Arena sa Maynila.
Ito ang ikapitong panalo ng Lady Chiefs para mapatatag ang kapit sa No. 2 spot tangan ang 7-1 baraha.
Nasikwat din ng Arellano ang tiket sa Final Four para samahan ang season host College of Saint Benilde na may malinis na 7-0 kartada.
Bumida si Nicole Sasuman na nagtala ng 13 puntos mula sa 11 attacks, isang block at isang ace.
Naputol ang two-game winning streak ng Lady Generals para mahulog sa 2-6 marka.
Sa unang laro, kinailangan ng San Sebastian College-Recoletos ng matinding puwersa para ilusot ang 25-21, 23-25, 30-32, 25-23, 15-13 panalo sa San Beda University.
Umangat ang Lady Stags sa 5-2 rekord para palakasin ang tsansa nito sa Final Four.
Muling nanguna para sa San Sebastian si Katherine Santos na umiskor ng 24 puntos galing sa 22 attacks at dalawang aces habang nagdagdag si Christina Marasigan ng 13 hits.
Nakagawa pa si Kristine Dionisio ng 11 markers samantalang may triple-double na 10 points, 19 receptions at 12 digs naman si Reyann Canete.
Solido ang floor defense ni libero Jewelle Bermilo na naglista ng impresibong 45 digs kasama pa ang 13 receptions.
“Wala naman akong specific instructions sa kanila. Sinabi ko lang na magtiwala sila sa sarili nila,” ani San Sebastian head coach Roger Gorayeb.
Nanganganib na masibak ang San Beda na nalaglag sa 2-5 marka.
Apat na players sana ng Lady Red Spikers ang nagtala ng double figures kabilang ang 15 hits ni Marianne Tayag. Subalit nasayang lamang ito matapos magtala ng 49 errors ang kanilang tropa.
Hindi rin napakinabangan ang tig-14 puntos nina Trisha Paras at Maxinne Tayag.
- Latest