Navy riders kumikilos na, Stage 4 inagaw ni Oconer
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas ang defending champion na si George Oconer ng Navy Standard Insurance matapos nitong sikwatin ang Stage 4 ng LBC Ronda Pilipinas 2022 kahapon na nilarga sa Kalayaan Park, Legaspi at nagtapos sa Daet, Camarines Norte.
Tahimik sa unang tatlong stages, ipinaramdam ng 30-anyos na si Oconer ang kanyang tikas sa Stage 4 upang umentra sa Top 10 ng General Classification.
“Preparado naman kaming lahat at nasa kondisyon kaya sana magtuluy-tuloy, gagawin lang namin ang lahat para manalo,” wika ni Oconer.
Nirehistro ni Oconer ang 4:10:12, dumating na segundo at tersero sina Mervin Corpuz ng Excellent Noodles at Arjay Peralta ng Dreyna ayon sa pagkakasunod.
Dalawang Navy riders ang tumawid sa finish line na pang-apat at panglima, ito’y sina El Joshua Carino at 2019 Ronda champion Ronald Oranza sa event na suportado ng LBC Express, Inc., MVP Sports Foundation, Quad X, Smart, Twin Cycle Gear, Standard Insurance, Print2Go, Elves Bicycles, Elitewheels, Orome, Maynilad, PhilHydro at Garmin.
Kuwento ni Oconer na sa huling 30 kilometers ng karera sila umatake ng kanyang mga kakampi kaya naman naisakatuparan nila ang kanilang pakay na makasikwat ng panalo sa 10-stage event na magtatapos sa Baguio City sa Marso 20.
Lumanding sa pang siyam sa GC si Oconer na may tangan na 9:45:17 oras habang nanatiling overall leader si two-time champion Jan Paul Morales. Nasa pang-apat sa general classification si Oranza.
Samantala, hawak pa rin ng Excellent Noodles ang No. 1 spot sa Team Classification.
- Latest