Popovich gumawa ng kasaysayan
SAN ANTONIO — Nakamit ni Gregg Popovich ang kanyang ika-1,336 panalo matapos ang 104-102 pagtakas ng Spurs laban sa Utah Jazz para kilalaning winningest coach sa NBA regular-season history.
Nasa kanyang ika-26 season ang 73-anyos na si Popovich na inihatid ang San Antonio franchise sa limang NBA crowns.
Kabilang sa mga naging player ni Popovich sa Spurs ay sina 75th Anniversary Team members David Robinson at Tim Duncan, future Hall of Fame members Manu Ginobili at Tony Parker at NBA coaches Steve Kerr, Monty Williams, Ime Udoka at Doc Rivers.
Nagtala si Dejounte Murray ng 27 points kasama ang dalawang free throws sa huling 4.8 segundo para sa pag-eskapo ng Spurs (26-41).
Sa Miami, humakot si Bam Adebayo ng 30 points at 17 rebounds sa 117-105 panalo ng Eastern Conference-leading Heat (45-23) sa Cleveland Cavaliers (38-28).
Sa Phoenix, humataw si Gary Trent Jr. ng 42 points tampok ang walong triples para akayin ang Toronto Raptors (36-30) sa 117-112 paglusot sa playoff-bound na Suns (53-14).
Sa Memphis, tinalo ng Grizzlies ang New York Knicks, 118-114 tampok ang 37 puntos ni Ja Morant.
- Latest