Miller bigo sa giant slalom event
MANILA, Philippines — Hindi maganda ang simula ng kampanya ni Filipino-American alpine skier Asa Miller sa 2022 Winter Olympic Games na ginaganap sa Yanqing National Alpine Skiing Center sa Beijing, China.
Hindi nakumpleto ni Miller ang performance nito sa giant slalom event dahilan para mamarkahan ito ng DNF o did not finish sa first run.
Sumablay ang 21-anyos na Pinoy bet sa unang bahagi ng kanyang run para mapatalsik sa kontensiyon.
Hindi lamang si Miller ang nagtala ng DNF maging ang 34 iba pang kalahok sa kanilang event.
Lahat ng mga nagtala ng DNF sa first run ay hindi na maaari pang magpartisipa sa second run.
Matapos ang first run, nanguna si Marco Odermatt ng Switzerland na may isang minuto at 2.93 segundo kabuntot sa ikalawa si Stefan Brennsteiner ng Austria (1:02.97) at ikatlo si Mathieu Faivre ng France (1:03.01).
Target ni Miller na makaresbak sa slalom event sa Pebrero 16.
- Latest