Raintree Starlet nanilat sa 8th Pasay Grand Cup
MANILA, Philippines — Umagaw ng eksena ang dehadong Raintree Starlet matapos banderahan ang 8th Pasay ‘The Travel City’ Grand Cup na itinakbo noong Sabado sa MetroTurf sa Malvar-Tanauan, Batangas.
Nanguna ang 5-anyos na anak ng American stallion na Get Stormy sa inahing Birdie Told Me sa pagsisimula pa lamang ng 1,600-metrong karera patungo sa wire-to-wire finish.
Inangkin ng Raintree Starlet ang premyong P300,000.
Si Pasay City Rep. Tony Calixto ang nag-abot ng Grand Cup sa winning team ng Raintree Starlet sa pamumuno ni trainer Chito Santos na siyang tumanggap para sa may-ari nitong si Oliver Velasquez.
Sumegunda ang Full Steam na nag-uwi ng P112,500 kasunod ang coupled entry na Tony’s Love at American Factor na nanalo ng P62,500 at P25,000 bilang third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
Ang 8th Pasay “The Travel City” Racing Festival ay kinatampukan din ng tatlong major stakes race na suportado ng SMDC, Resorts World Manila, Double Dragon Properties, Bong Cuevas at Boysen Paints.
Nanalo sa 8th Pasay City Rep. Tony Calixto Cup ang pambato ni Ben Abalos Sr. na La Liga Filipina at namayani sa 8th Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano Cup ang kabayo ni Paolo Mendoza na Super Ninja.
Namayani naman sa 7th Pasay City Former Mayor Duay Calixto Memorial Cup ang entry ni Mar Tirona na Charm Campaign.
- Latest