Orcollo tumumbok ng 2 korona sa Texas
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si dating world champion Dennis Orcollo matapos masungkit ang unang dalawang titulo sa taong ito — ang One Pocket at 10-Ball sa Michael Montgomery Memorial Tournament na ginanap sa Snookered Billiards and Bar sa Frisco, Texas.
Hindi nakalasap ng kabiguan si Orcollo para masikwat ang korona sa One Pocket kung saan tinalo nito sa championship round si Corey Deuel ng Amerika sa finals sa pamamagitan ng 4-3 iskor.
Ngunit hindi naging madali ang daan para kay Orcollo.
Mainit ang simula ni Deuel na umarangkada agad sa 3-0 kalamangan para makalapit sa titulo.
Subalit hindi agad nawalan ng pag-asa si Orcollo nang sunud-sunod nitong makuha ang tatlong racks para maitabla ang iskor sa 3-3. Ito ang naging matibay na sandalan ni Orcollo para makuha ang momento at matagumpay na maitarak ang come-from-behind win.
Sa kabilang banda, laglag sa losers’ bracket si Deuel kung saan tinalo nito si Tony Chohan sa do-or-die semis para muling makasagupa si Orcollo sa finals.
Sa 10-Ball event, iba ang daang tinahak ni Orcollo.
Isa-isa muna nitong pinataob sina Tony Top (7-5), Scott Frost (7-3) at kababayang si James Aranas (7-6) bago yumuko kay Shane Van Boening (2-7).
Sa losers’ column, rumesbak si Orcollo nang igupo nito ang katropang si Jeffrey De Luna sa do-or-die semis (6-4) para maisaayos ang muling pagtutuos kay Van Boening.
- Latest