PVF umapela sa POC
Ayaw kay Suzara at Palou
MANILA, Philippines — Umapela si Philippine Volleyball Federation (PVF) president Boy Cantada sa kasunduang binuo sa ginanap na pagpupulong kasama ang Philippine Olympic Committee (POC).
Naglutangan ang mga ulat na napipisil si Tats Suzara para pamunuan ang bubuuing bagong asosasyon kasama ang grupo ni Ricky Palou ng Premier Volleyball League.
Ngunit hindi pabor si Cantada sa naturang plano.
Sa inilabas na statement na naka-address kay POC president Bambol Tolentino, sinabi ni Cantada na hindi nito kayang makasama sina Suzara at Palou sa bagong grupo.
“The conditions and parameters you set for the immediate resolution of the problem are unacceptable,” ani Cantada sa statement.
“We cannot accept the designations of Tats Suzara and Ricky Palou as president with the right to appoint the secretary general and treasurer respectively of the new volleyball group,” dagdag nito.
Hindi rin gusto ni Cantada na palitan ang pangalan ng PVF bilang national sports association sa Pilipinas dahil ito ang kinilala ng International Volleyball Federation (FIVB) general assembly. Wala pang sagot ang POC sa bagong pahayag ni Cantada.
Inaasahang tatalakayin ito bago ang eleksiyon na itinakda sa Enero 23 sa East Ocean Seafoods Restaurant sa Parañaque City.
Nauna nang nagpulong ang ilang volleyball stakeholders noong Sabado na dinaluhan nina Suzara, Palou, Larong Volleyballl sa Pilipinas Inc. secretary general Ariel Paredes at PVF secretary general Otie Camangian.
- Latest