Virtual Pro Sports Summit idaraos ng GAB ngayon
MANILA, Philippines — Ang estado at pagbabago sa professional sports ang tatalakayin ngayon sa ikalawang Professional Sports Summit ng Games and Amusements Board (GAB).
Si GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang papagitna sa maghapong programa kasama sina GAB Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid.
Inimbitahan ng GAB sina dating boxing champion Gerry Peñalosa, pool legends Efren “Bata” Reyes at Django Bustamante, Grand Master Eugene Torre at PBA Best Import Sean Chambers para maging panauhin sa virtual sports summit na magsisimula ng alas-9 ng umaga.
Inaasahan ding magbibigay ng kani-kanilang mga opinyon sina Senators Bong Go, Sonny Angara at Joel Villanueva.
Tatalakayin sa morning session ang mga bagay na may kaugnayan sa mga boxing rules, mental health at mga batas na may relasyon sa professional sports.
Sa afternoon session ay mapapanood sina Peñalosa, Reyes, Bustamante, Torres at Chambers kasama sina Go, Angara at Villanueva.
Kabilang ang professional sports sa mga sektor na nalugmok nang magpatupad ng lockdown sa buong bansa dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Sa pakikipagtulungan ng GAB sa Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH) ay nabuo ang Joint Administrative Order 2000-0001 bilang ‘Guidelines on the Conduct of Health - Enhancing Physical Activities and Sports during the COVID-19’.
Ang JAO ang batayan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) para payagan ang pagbabalik ng ilang pro league.
- Latest