LeBron 'MVP' ng 2020 NBA Finals; Lakers nasungkit ang ika-17 kampeonato
MANILA, Philippines — Muling itinanghal na Most Valuable Player (MVP) para sa kasasara lang na 2020 NBA Finals si LeBron James matapos makuha ng Los Angeles ang kanilang ika-17 na kampeonato laban sa Miami Heat, Lunes (oras sa Pilipinas).
Ito na ang ikaapat na MVP distinction ng basketbolista sa loob ng apat na championship runs. Bago ito, nagawa niya rin ito kasama ang Miami (2012 at 2013) at Cleveland Cavaliers (2016).
"It means a lot to represent this franchise... I wanted to put this franchise back where it belongs," wika ni LeBron kay Jeanie Buss, kanilang team owner.
"For me to be a part of such a historical franchise is an unbelievable feeling."
Nangyari ito matapos madaig ng kanilang koponan ang Heat sa game six sa puntos na 106-96, kasabay ng pagkakakuha ni LeBron ng triple-double na 28 points, 14 rebounds aat 10 assist.
Sambit pa ni James, ginawa nilang akyatin ang rurok ng tagumpay ngayong araw lalo na't gusto nilang makakuha pa ng respeto sa kanilang larangan.
"We just want our respect. Rob [Pelinka Jr.] wants his respect. Coach [Frank] Vogel wants his respect... Lakers nation wants their respect," dagdag ng tanyag na manlalaro.
"And I want my damn respect too."
"I want my damn respect too."
— News5 (@News5PH) October 12, 2020
Ito ang sabi ni LeBron James matapos makuha ang kanyang ikaapat na Finals MVP at kampeonato sa Los Angeles Lakers. #NBAFinals pic.twitter.com/iwrTwhI7Mx
Hindi naman naiwasan ni presidential spokesperson Harry Roque na i-meme ang sarili ngayong Lunes kaugnay ng pagkakapanalo ng koponan ni James.
"Pasensya kana Jimmy [Butler]. Bawi ka nalang next season. ???? #lakersnation," sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ito ni Roque matapos sakyan ang iba't ibang memes na ginawa ng netizens kaugnay ng mga kontrobersyal niyang litrato sa Boracay kasabay ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. — James Relativo at may mga ulat mula sa AFP at News5
- Latest