Obiena nilundag ang bronze sa Poland event
MANILA, Philippines — Bumaba ang performance ni Tokyo Olympics-bound Ernest John Obiena matapos makuntento sa bronze medal sa Poznan Athletics Grand Prix sa Poland.
Lumundag si Obiena ng 5.52 metro sa kanyang ikalawang attempt para makamit ang tansong medalya habang nakuha ni Robert Sobera ng Poland ang pilak na medalya sa itinala ring 5.52m sa kanyang unang attempt.
Ang gintong medalya ay sinikwat ni Polish bet Piotr Lisek na nagposte ng 5.72m.
Ito ang pang-limang podium finish ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist bilang paghahanda sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Kamakailan ay sinikwat ng 24-anyos na si Obiena ang gold medal sa nakaraang 59th Ostrava Golden Spike sa Czech Republic
Naglista si Obiena ng 5.74m para ungusan sina 2016 Rio de Janeiro Olympic Games silver at bronze medalist Renaud Lavillenie ng France at San Kendricks ng United States, ayon sa pagkakasunod.
Sasalang si Obiena sa ISTAF Continental Tour sa Berlin, Germany, sa Rome Diamond League at sa Doha Diamond League.
- Latest