Davao, Makati humirit ng rubbermatch
MANILA, Philippines — Humirit pa ng do-or-die battle ang Davao Occidental Tigers at Makati Super Crunch sa kanilang magkahiwalay na Division Finals sa pagpapatuloy ng 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup sa iba’t ibang venue.
Tumabo ng 20 puntos, 12 rebounds, pitong assists at dalawang steals si Jeckster Apinan habang tumulong ng 18 puntos, apat na rebounds at isang assist si Juneric Baloria upang iangat ang Makati Super Crunch sa 91-88 panalo kontra sa San Juan Knights at itabla ang serye, 1-1, sa closed-door Game 2 sa FilOil Flying V Center.
Ginawang closed-door ang Game 2 ng best-of-three North Division Finals dahil sa kahilingan ni San Juan Mayor Francis Zamora para sa pag-iingat laban sa COVID-19.
Inilipat naman sa San Juan City ang laro pagkatapos hindi makakuha ng permiso mula kay Makati Mayor Abigail Binay sa paggamit ng Makati City Coliseum bunga ng banta ng coronavirus.
Tumulong din ng 15 puntos, anim na rebounds, anim na assists, apat na steals at tatlong blocks si Joseph Sedurifa upang makabawi sa kanilang 60-76 talo sa Knights sa Game 1 noong Lunes.
Sa South Division Finals, hindi naman alintala ng Davao Occidental Tigers ang pro-Basilan crowd tungo sa pagtakas sa 81-76 panalo laban sa Basilan Steel sa Game 2 na ginanap sa Lamitan Gym sa Basilan at ipursige ang deciding Game 3 bukas sa RMC Gym sa Davao City.
- Latest