Tugawin sa Stage 2
Bordeos suot pa rin ang red jersey
LEGASPI CITY, Philippines — Nasapul ni Ryan Tugawin ng Tarlac Central Luzon team ang isa sa kanyang misyon sa pagsali sa 2020 LBC Ronda Pilipinas.
Nakipagsabayan ang 30-anyos na si Tugawin sa mga big guns, upang sikwatin ang panalo sa 154.5 km Sorsogon-Legaspi Stage 2 kahapon na nagtapos sa harapan ng City hall.
Hinayaan nito na mag-ubusan ng lakas ang mga tigasing siklista mula sa Standard Insurance-Navy at 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines at saka ito umatake sa huling isang kilometro upang makuha ang inaasam na panalo.
“Nakalusot ako mula sa likod, nakita ko si George (Oconer) umatake kaya hinabol ko agad,” ani Tugawin, tubong Colano, Nueva Viscaya.
Bukod sa pagtulong sa team ay puntirya ni Tugawin na makakuha ng stage upang makilala at maipakita ang kanyang husay sa pag-pedal.
“Mahalaga sa akin itong panalo dahil gusto ko rin na makilala nila ako sa cycling.” saad ni Tugawin na nagsasaka ng palay kapag wala silang ensayo.
Nirehistro ni Tugawin ang tatlong oras, 50 minuto at 37 segundo at dahil kumpolan silang dumating ay pareho niyang tiyempo ang mga siklista mula second hanggang 20th place.
Nakalaban ni Tugawin sa ratratan sa huling 100 metro sina Ismael Grospe Jr. ng Go For Gold at Oconer ng Standard Insurance-Navy.
Dumating na segunda si Grospe habang tersero si Oconer sa event na suportado ng LBC at inisponsoran ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation kasama ang Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Samantala, kapos ang oras na naitala ni Tugawin para patalsikin si Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army sa General Individual Classification overall.
Nakalikom si Stage 1 winner Bordeos ng anim na oras, 56 minuto at 34 segundo sapat upang manatili sa kanya ang Red Jersey sa paglarga ng Stage 3 Legaspi-Naga ngayon. (NM)
- Latest