Karateka may potensyal na maging world champion
MANILA, Philippines — Kaya rin ng karate na makahubog ng isang world champion athlete.
Ito ang paniniwala ni dating Southeast Asian Games champion at national team coach David Lay dahil naniniwala ito sa kakayahan ng mga Pinoy karatekas.
Kailangan lang aniya ng malalim na training at exposure upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na umangat sa mundo ng karate.
“With the right training and proper international exposure, Filipino karatekas can also excel in this sport,” ani Lay sa pagbisita nito sa Usapang Sports ng Tabloids Organization in Philippine Sports sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Isa na rito si Filipino-Japanese Junna Tsukii na patuloy na sumasabak sa mga international competitions para makahirit ng tiket sa 2020 Tokyo Olympics.
“I think kailangan na lang niya ng ilang medal finishes. I hope she makes it to the Olympics. I’m really happy that she is representing the Philippines, although she is half-Japanese, half-Filipina,” ani Lay.
Hindi ganun kasikat ang karate sa Pilipinas hindi tulad ng basketball at volleyball.
Ngunit naniniwala si Lay na unti-unti nang umaangat ang karate dahil marami nang sumasali sa mga kumpetisyon sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Sa tingin ko, nag-improve na ng malaki ang karate rito sa atin. Marami na rin exposure ngayon ang mga karatekas natin, unlike nun panahon namin nun 1987, na marami pa kaming dapat matutunan,” ani Lay.
Sa katunayan, isasagawa ang Japan Karate Shoto Federation kata and kumite seminar sa Linggo sa Ali Mall sa Cubao, Quezon City.
- Latest