Pinas bigo sa hosting ng Olympic qualifying
MANILA, Philippines — Pormal nang itinalaga ng International Olympic Committee (IOC) Boxing Task Force ang Jordan na maging kapalit na host country para sa 2020 Asia-Oceania Olympic qualifying tournament na nakatakda sa Marso 3 hanggang 11.
Inihayag kahapon ng IOC Boxing Task Force na ang Amman, Jordan ang magiging bagong host ng Olympic qualifying.
“After a careful review of all alternatives, the BTF (Boxing Task Force) approved the proposal of the Jordan Olympic Committee today, in order to confirm the competition dates and location as soon as possible, in the best interest of the athletes preparing for the qualifier,” ayon sa statement ng IOC Boxing Task Force.
Magugunitang kinansela ng IOC Boxing Task Force ang event sa Wuhan, China matapos kumalat ang coronavirus kung saan ilan sa mga tinamaan nito ang namatay.
Kaya naman masusing pinag-aralan ng IOC ang sunod na mga hakbang at nagdesisyong sa Jordan ganapin ang Olympic qualifying base sa inilatag na proposal ng Jordan Olympic Committee.
Kabilang ang Pilipinas sa mga pinagpilian ng IOC Boxing Task Force.
Subalit bigo ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na makuha ang boto ng Olympic body.
Pakay ng ABAP na malampasan ang bilang ng mga qualifiers noong 2016 Rio Olympics.
Nakahirit sina Southeast Asian Games gold medalists Rogen Ladon at Charly Suarez ng tiket sa Rio Games.
Ngunit parehong nabigo sina Ladon at Suarez na umabante sa medal round.
- Latest