Knights target ang ika-21 panalo sa MPBL
MANILA, Philippines — Matapos ag 15 araw na pahinga, muling matutunghayan ang 2019-2020 Chooks-to-Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa pagharap ng nangungunang San Juan Knights kontra sa Navotas Clutch sa San Andres Sports Complex sa San Andres, Manila.
Tangan ang 20-3 kartada, haharapin ng Datu Cup champion na Knights ang Navotas Clutch sa ganap na alas-6:45 ng gabi matapos ang pagtatagpo ng Nueva Ecija at Batangas Athletics sa alas-4:15 ng hapon.
Sa huling laro, asam naman ng pumapangalawang Manila Stars ang kanilang pang-21 panalo sa pakikipagtuos kontra sa Rizal Golden Coolers sa alas-8:45 ng gabi.
Muling sasandal si head coach Randy Alcantara sa kanyang mga beteranong sina John Wilson, Larry Rodriguez, Jhonard Clarito, Justine Baltazar para makopo ang ika-21 panalo sa 24 laro at manatili sa solo top spot sa Northern Division.
Haharapin ng Knights ang Clutch na nawalan ng pag-asang makapasok sa susunod na round dahil sa kanilang 6-18 slate.
Nasa ika-14 puwesto ang Navotas sa parehong Northern group.
Sa ibang laro, inaasahang muling hahataw sina Carlo Lastimosa at Gabby Espinas para sa Manila Stars na may 20-4 baraha sa Northern Division.
Ang Rizal ay may 4-18 slate sa Northern group.
Ang Batangas Athletics ay may 13-9 card sa Southern Division at ang Nueva Ecija ay may 6-16 marka sa Northern Division.
- Latest