James binitbit ang Lakers Vs Blazers
‘Di ininda ang injury!
PORTLAND -- Kumamada si LeBron James ng 21 points, dinuplika ang kanyang season best na 16 assists at kumalawit ng pitong rebounds bagama’t may groin injury para akayin ang Los Angeles Lakers sa 128-120 paggupo sa Trail Blazers.
Umiskor si Kyle Kuzma ng team-high 24 points at may 20 points, 9 rebounds at 5 assists si Anthony Davis para pigilan ng Los Angeles ang season-worst, four-game losing skid.
Nagdagdag si Rajon Rondo ng 15 points habang may 13 at 11 markers sina Kentavious Caldwell-Pope at Dwight Howard, ayon sa pagkakasunod, para sa Lakers.
Tumipa naman si Damian Lillard ng 31 points para sa Trail Blazers, naisuko ang huling tatlong laro habang nagposte si Hassan Whiteside ng 19 points at 16 rebounds.
Kinuha ng Los Angeles ang 85-75 abante matapos ang basket ni Davis sa 7:45 minuto sa third quarter patungo sa pagtatala ng 103-95 kalamangan papasok sa fourth period.
Sa San Francisco, nagrehistro si Luka Doncic ng 31 points, 15 assists at 12 rebounds para banderahan ang Dallas Mavericks sa 141-121 panalo laban sa Golden State Warriors.
Ang triple-double ang pang-siyam ni Doncic ngayong season at dinuplika ang franchise record na naitala ni Jason Kidd noong 1995-96.
Nagsalpak naman si Tim Hardaway Jr. ng anim na 3-pointers at tumapos na may 25 points habang may 18 markers si Kristaps Porzingis kasama ang apat na triples para sa Mavericks.
Sa Miami, kumonekta si Jimmy Butler ng go-ahead free throw sa huling 2.3 segundo sa overtime para tulungan ang Heat sa 117-116 pagtakas laban sa Philadelphia 76ers.
Matapos isalpak ni Ben Simmons ang kanyang alley-oop dunk para itabla ang Philadelphia sa 116-116 sa nalalabing 18.3 segundo sa overtime ay nakahugot naman ng foul si Butler sa posesyon ng Miami.
Tinapos ni Butler ang laro na may 25 points, 9 assists at 9 rebounds.
- Latest