Higit 100 medalya na ang nahakot ng team Philippines
SUBIC , Philippines — Bagama’t hindi karamihan ang nakolektang gintong medalya ay sapat pa rin ito para mapanatili ng Pilipinas ang pangunguna sa 30th Southeast Asian Games kahapon.
Dalawang gold medal ang ipinutok ni lady shooter Marly Martir sa shooting, habang apat ang inangkin ng mga Pinoy sa obstacle course competition.
Nakabingwit din ang bansa ng mga gintong medalya mula sa weightlifting, swimming at muay events para kumolekta ng 56 gold, 41 silver at 22 bronze medals para sa kabuuang 119 medalya.
Hindi naman matinag sa ikalawang puwesto ang Vietnam na may 27 ginto, 32 pilak at 33 tansong medalya kasunod ang Malaysia (21-12-22), Singapore (18-12-20), Indonesia (17-27-29), Thailand (11-15-22), Myanmar (1-6-20), Brunei (1-5-5), Cambodia (1-3-17), Laos (0-0-6) at East Timor (0-0-0).
Binuhat naman ni Kristel Macrohon ang ikalawang gintong medalya sa women’s 71kg division mula sa kanyang kabuuang 216 kilograms sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nauna nang ibinulsa ni 2016 Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz ang ginto sa women’s 55kg.
Pinitas ng national obstacle course team ang apat na gold medals sa 400-meter mixed team assist, mixed team relay, women’s individual 100m race at men’s 100m event.
Tinapos naman ni James Deiparine ang 10 taon na pagkauhaw ng bansa sa gold medal sa swimming matapos pagharian ang men’s 100-meter breaststroke event sa kanyang tiyempong 1:01.46 sa New Clark City Aquatics Centre.
Hindi naman ito naduplika ni Fil-American Remedy Rule nang makuha ang silver medal sa women’s 200 butterfly sa kanyang oras na 2:10.99.
Sa muay event, inangkin nina Jaerome Calica at Joemar Gallaza ang gintong medalya sa waikru matapos magposte ng 9.95 points para talunin ang kanilang mga karibal mula sa Malaysia, Indonesia at Vietnam.
Nagkasya naman sa silver medal ang tambalan nina Iredin Lipatan at Rusha Mae Bayacsan sa women’s division.
Sa skateboarding, paglalabanan nina 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal at Christiana Means ang ginto sa S.K.A.T.E. finals.
Nabigo naman si world champion Carlos Edriel Yulo na makamit ang ginto sa men’s vault nang pumangalawa sa nasabing aparatus.
Samantala, kabuuang 28 gold medals ang pag-aagawan sa Day Four ngayon kung saan may tig-anim sa swimming at judo, lima sa sambo at tig-dalawa sa fencing at underwater hockey.
Kumpiyansa si Philippine Sports Commisison at Chef De Mission William ‘Butch’ Ramirez na maduduplika ng mga Pinoy athletes ang pag-angkin sa overall championship kagaya noong 2005. Sa nasabing edisyon ay tumayo ring Chef De Mission ang PSC chief.
- Latest