Pinoy lifters bubuhat na ng ginto
MANILA, Philippines — Sisimulan ng national weightlifting team ang kampanya nito sa paglarga ng 2019 Southeast Asian Games weightlifting competitions ngayong araw sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Inaabangan na ang salpukan ng Philippines at Thailand na pangunahing magkaribal sa weightlifting event na lalahukan din ng Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Timor-Leste at Vietnam
Unang aariba para sa Pinoy lifters sina John Fabliar Ceniza (men’s 55-kg) at Mary Flor Diaz (women’s 45-kg) na susubukang makasungkit ng gintong medalya sa kani-kanilang kategorya.
May 10 gintong medalya ang paglalabanan - anim sa women’s division at apat sa men’s class - kung saan babandera sa kampanya ng host team sina Rio Olympics silver medallist Hidilyn Diaz at veteran lifter Nestor Colonia.
Puntirya ni Diaz na masungkit ang unang gintong medalya sa Southeast Asian Games.
“Naka-gold medal na ako sa Asian Games pero wala pa akong gold sa SEA Games kaya this time sana makuha ko,” wika ni Diaz na sariwa sa pagkopo ng dalawang tanso sa 2019 IWF World Championship sa Pattaya, Thailand.
Sasalang si Diaz sa women’s 55-kg.
Matinding karibal ni Diaz sina Khambao Surodchana ng Thailand at Juliana Klarissa ng Indonesia na 10th placer sa World Championship sa Suva, Fiji.
Magtatangka rin si Vietnamese Nguyin Thi Thuy na pumanlima sa 2019 World Cup sa China at pang-anim naman sa 2019 Asian Championship sa Ningbo, China.
Masisilayan sa aksiyon si Diaz bukas (Lunes) sa kanyang event habang lalahok naman si Colonia sa Martes sa men’s 67-kg.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Elreen Rose Perez (49-kg), Margaret Colonia (59-kg), Elreen Ann Ando (64-kg) at Kristel Macrohon (71-kg) sa women’s division, at Dave Lloyd Pacaldo (61-kg) sa men’s side.
- Latest