Amer bida sa panalo ng bolts
MANILA, Philippines — Naglarong parang import si point guard Baser Amer sa third period.
Nagsalpak si Amer ng 14 points tampok ang apat na three-point shots sa nasabing yugto para pamunuan ang Meralco sa 101-75 paggupo sa Alaska sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ang ikalawang panalo ng Bolts ang nagsosyo sa kanila sa Columbian Dyip sa 2-1 record para sa ikatlong puwesto sa ilalim ng NLEX Road Warriors (3-0), TNT Katropang Texters (3-0) at San Miguel Beermen (2-0).
Tumapos si Amer na may 27 points, 5 rebounds at 4 assists para sa tropa ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black.
“We really want to focus on our defense because we want to establish ourselves as a defensive team,” sabi ni Black, nakahugot kay two-time PBA Best Import Allen Durham ng 25 mar-kers, 15 boards at 9 assists.
Ito naman ang pang-apat na dikit na kamalasan ng Aces, ipinarada si bagong import Franko House, para manatili sa ilalim ng team standings.
Nagsimulang lumayo ang Meralco sa third quarter sa pangunguna nina Amer at Durham para ilista ang 62-46 bentahe sa 5:42 minuto nito.
Lalo pang nabaon ang Alaska sa 18-point deficit, 52-70 matapos makumpleto ni Durham ang kanyang 3-point play sa huling 2:35 minuto.
Napababa ito ng Aces sa 61-72 pagpasok ng final canto, ngunit muling nanalasa ang Bolts para iposte ang 26-point advantage, 90-64 mula sa basket ni Raymond Almazan sa 6:16 minuto ng labanan.
At mula rito ay hindi na nakalapit ang koponan ni mentor Jeffrey Cariaso.
Naglista si House, produkto ng NCAA Division 1 school na Ball State University, ng 8 points, 11 rebounds at 6 assists para sa Alaska.
- Latest