Charcos isinalba ang Altas vs Chiefs
MANILA, Philippines — Nananatiling buhay ang pag-asa ng Perpetual Help Altas na malampasan ang kanilang Final Four finish noong nakaraang taon.
Ito ay nangyari matapos maka-eskapo ang Las Piñas-based team kontra sa Arellano Chiefs, 75-73 noong Martes sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Binura ni Edgar Charcos ang 73-73 tabla sa isang floater sa huling 3.4 segundo upang makopo ang ikalawang panalo at umangat sa sosyohan sa pang-anim na puwesto kasama ang San Sebastian Stags sa parehong 2-3 win-loss kartada sa Season 95 ng NCAA basketball tournament.
Sa panalo, naputol ng tropa ni coach Frankie Lim ang three-game losing skid kaya napili si Charcos ng Chooks-to-Go Collegiate Press Corps bilang NCAA Player of the Week.
Ang ibang panalo ng Altas ay sa Mapua Cardinals, 80-78 noong Hulyo 9 kung saan tumapos din si Charcos ng 16 puntos, walong rebounds, limang assists at dalawang steals.
“Sa kanya talaga ‘yun,” ani Perpetual Help coach Lim.
Bukod sa kanyang winning basket, umani pa si Charcos ng 15 puntos kabilang na ang anim sa huling yugto na may kasamang limang assists at dalawang rebounds para maungusan sina Larry Muyang ng Letran, Jomboy Pasturan ng St. Benilde at Chester Jungco ng Jose Rizal para sa lingguhang parangal.
- Latest