Chicano wagi ng bronze sa Powerman Asia Duathlon C’ships
MANILA, Philippines — Nagningning si Go For Gold triathlete John Leerams Chicano nang masungkit nito ang tansong medalya sa Powerman Asia Duathlon Championships na ginanap sa Putrajaya, Malaysia.
Pamilyar na si Chicano sa ruta na naging malaking bentahe nito upang makasiguro ng podium finish sa pinakamalaking duathlon race sa mundo.
Magugunitang nakapilak si Chicano sa men’s triathlon sa 2017 Southeast Asian Games na ginanap sa parehong venue.
“Overall, it was a good race for me. This is a great buildup for the SEA Games late this year,’’ ani Chicano.
Pumangatlo si Chicano sa men’s elite category matapos magtala ng dalawang oras, 43 minuto at 25 segundo.
Nanguna si Frenchman Antony Costes sa 10-kilometer run, 60km cycling at 10km run event nang magrehistro ito ng 2:41.23 habang pumangalawa si Thomas Bruins ng Netherlands na naglista naman ng 2:42.04.
“To stand on the medal podium in an international race with some of the toughest and seasoned duathletes is something that our country should really be proud of,’’ wika ni Go For Gold godfather Jeremy Go.
Katuwang din ng Go for Gold ang National Basketball Training Center Coaches Convention kung saan inaasahang dadaluhan ito ng mahuhusay na coaches sa bansa sa isang two-day clinic sa Marso 22-24 sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Pinaghahandaan ni Chicano ang pagsabak nito sa 2019 SEA Games na idaraos sa Subic. Nauna na itong lumahok sa Tri-Factor International Triathlon sa Quzhou, China.
Kasama ni Chicano sa SEA Games si reigning SEAG gold medalist Nikko Huelgas na magtatangkang makuha ang ikatlong sunod na titulo sa biennial meet.
- Latest