Morales sa stage 3
MANILA, Philippines — Nilampaso ni two-time champion Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance ang lahat na kasama sa mass finish para masungkit ang Stage Three ng 2019 LBC Ronda Pilipinas kahapon mula Iloilo City hanggang sa Roxas City Hall.
Ibinuhos ng 33-anyos na si Morales, kampeon sa LBC Ronda noong 2016 at 2017, ang buong lakas sa huling 500 metro para pangunahan ang ikatlong araw ng UCI-sanctioned race sa tiyempong apat na oras, 35 minuto at 18 segundo.
Tumapos naman sa ikalawang puwesto si Dominic Perez ng 7-Eleven Cliqq-Air 21 by Roadbike Philippines at ikatlo si Projo Waseseo Nex Cycling team ng Indonesia sa parehong identical time.
Lalo ring lumakas ang tiwala ni Morales matapos magwagi kontra sa two-time Southeast Asian Games gold medalist na si Mohd Harriff Saleh ng Tererngganu Inc. TSG team ng Malaysia sa pabilisan ng karera tungo sa finish line.
“I’m so happy because this is the first time I won a stage in a UCI race and I beat my idol (Saleh),” sabi ni Morales, na pumangalawa rin sa Australyanong siklista sa Le Tour de Filipinas noong 2011.
Si Morales ang ikalawang Filipino rider na nag-uwi ng Stage win matapos dominahin ni Marcelo Felipe ng 7-Eleven ang Stage Two noong isang araw sa Guimaras Island.
Ang panalo nina Morales at ni Felipe ay hindi naka-apekto sa 42-anyos na si Francisco Mancebo-Perez ng Matrix Powertag Japan sa individual at team general classification ng karera dahil sa kanyang malaking lamang.
- Latest