4 gold kunin n’yo!
SBP sa SEAG National Team
MANILA, Philippines — Nais ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ilampaso ng men’s national team ang lahat ng makakalaban nito sa basketball competition ng 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Ito ang magiging atas ng SBP sa bubuuing national squad na magtatangkang masungkit ang ika-18 gintong medalya ng Pilipinas sa naturang biennial meet.
“It’s not just to win but to win big,” wika ni SBP executive director Sonny Barrios.
Hangad ng SBP na bigyan ng saya ang buong sambayanan at patunayan na hari ang Pilipinas sa rehiyon pagdating sa basketball.
“The SEA Games is another important tournament this year simply because we are hosting,” dagdag ni Barrios.
Kaya naman kukuha ng malalakas na manlalaro ang SBP mula sa PBA, UAAP at NCAA.
Walang pakialam ang SBP kung ituring man itong “overkill” ng iilan.
Paniniguro lamang ito na hindi makakawala ang gintong medalya sa Pilipinas lalo pa’t tumataas na rin ang lebel ng laro ng mga ibang Southeast Asian countries.
Maliban sa men’s 5-on-5 basketball, lalaruin din ang 3x3 at ang women’s 5-on-5 at 3x3.
At umaasa ang SBP na makukuha ng Pilipinas ang lahat ng apat na gintong medalyang nakataya sa basketball competitions upang makatulong sa tangka ng bansa na muling masungkit ang overall championship title.
Huling itinanghal na overall champion ang Pilipinas noong 2005 nang ganapin din sa bansa ang SEA Games.
- Latest