Aston Palicte pinatulog si Jose Martinez

MANILA, Philippines — Inilabas ni Aston Palicte ang pinakamabangis na porma nito upang kubrahin ang matikas na second-round knockout win laban kay Puerto Rican fighter Jose Martinez kahapon sa kanilang WBO Super Flyweight World Championship eliminator bout sa Viejas Casino and Resort sa Alpine, California.
Naging agresibo agad si Palicte matapos magpakawala ng matatalim na suntok dahilan para masaktan nito si Martinez sa pagtatapos ng first round.
Subalit hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Palicte nang muli itong umariba sa second round na nagresulta sa tatlong beses na pagbagsak ni Martinez para tuluyang makuha ang panalo.
“Sa first round pa lang nakita ko na nasaktan ko na siya kaya ibinuhos ko na lahat para makuha yung panalo. Sobrang nagbunga ang lahat ng pagsisikap ko sa training namin,” ani Palicte.
Dahil sa panalo, isa na namang all-Filipino fight ang masasaksihan ng buong mundo dahil muling nabigyan ng pagkakataon si Palicte na makaharap sa isang rematch ang kababayang si reigning World Boxing Organization super flyweight champion Donnie Nietes.
Una nang nagtagpo sina Palicte at Nietes noong Setyembre 8 sa Inglewood, California. Ngunit nauwi ang laban sa isang kontrobersyal na draw.
Muling sumalang si Nietes kontra kay Japanese pug Kazuto Ioka noong Disyembre 31 sa Macau at napanalunan nito ang WBO super flyweight belt via split decision.
- Latest


















