Lady Altas, Lady Bombers laglagan sa huling semis slot
MANILA, Philippines — Magpapang-abot ang University of Perpetual Help System Dalta at Jose Rizal University para sa huling silya sa semis sa paglarga ng huling araw ng eliminasyon ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Altas at Lady Bombers sa alas-12 ng tanghali.
Nasa No. 4 spot ang Perpetual Help na may 5-3 marka habang ikalima ang Jose Rizal na nakakuha ng 4-4 kartada.
Isang panalo lang ang kailangan ng Lady Altas para makumpleto ang Final Four cast at makaiwas sa mas kumplikadong sitwasyon.
Kung mananalo naman ang Lady Bombers, maipupuwersa nito ang pagtatabla sa No. 4 spot.
Walang playoff na magaganap dahil reresolbahin ang tie sa pamamagitan ng quotient points.
Mataas ang moral ng Perpetual Help na galing sa panalo sa San Sebastian College-Recoletos, 25-19, 25-8, 18-25, 25-17 noong Lunes.
Nanguna sa naturang panalo sina Jowie Versoza, Jenny Gaviola at Cindy Imbo na siya ring aariba upang pigilang sumabog ang Lady Bombers.
Sa kabilang banda, yumuko ang Jose Rizal sa St. Benilde sa kanilang huling laro, 25-20, 17-25, 20-25, 22-25.
Kaya naman inaasahang reresbak sina Dolly Grace Versoza at Rose Rizza para buhayin ang kanilang pag-asang makabalik sa semis.
Nauna nang umabante sa semis ang reigning champion Arellano University, College of St. Benilde at San Beda University na may magkakatulad na 8-1 baraha.
Ngunit nakuha ng Lady Blazers ang top seeding sa Final Four habang No. 2 ang Lady Chiefs at No. 3 ang Lady Red Spikers.
Armado ang Benilde at Arellano ng twice-to-beat sa semis.
Nais naman ng Lyceum of the Philippines University (3-5) at Colegio de San Juan de Letran (2-6) na magkaroon ng magandang pagtatapos ang kanilang kampanya sa season na ito sa kanilang duwelo sa alas-2 ng hapon.
- Latest