Young pinasiklaban ang 76ers sa balwarte
PHILADELPHIA — Naglista si Thaddeus Young ng 26 points at 10 rebounds laban sa dati niyang koponan at nalampasan ng Indiana Pacers ang iniskor na 40 markers ni Joel Embiid para talunin ang 76ers, 113-101 sa matchup ng dalawang Eastern Conference contenders.
Humakot din si Embiid ng 21 rebounds para maging unang Sixers player na nagtala ng 30 points at 20 rebounds sa isang laro matapos itong gawin ni Charles Barkley noong Disyembre 7, 1990.
Si Bojan Bogdanovic ay tumipa ng 18 points para sa ikaanim na sunod na paggupo ng Pacers sa Sixers.
Ang triple ni Bogdanovic sa huling 3:46 minuto ng final canto ang nagbigay sa Pacers ng 102-92 kalamangan.
Sa Sacramento, isinalpak ni Klay Thompson ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 38.5 segundo, habang nagdagdag si Stephen Curry ng apat na free throws para pamunuan ang Golden State Warriors sa 130-125 panalo kontra sa Kings.
Tumapos si Curry na may 35 points, 7 rebounds at 6 assists.
Sa Memphis, umiskor sina Josh Richardson at Kelly Olynyk ng tig-18 points para wakasan ng Miami Heat ang kanilang two-game losing skid at kunin ang 100-97 panalo laban sa Grizzlies.
Binanderahan ni Mike Conley ang Grizzlies mula sa kanyang 22 points kasunod ang tig-15 markers nina Jaren Jackson Jr. at Garrett Temple.
Naglaro ang Miami na wala si veteran Dwyane Wade.
- Latest