Past Olympians pinalakas ang loob ng Nationals
MANILA, Philippines — Lumakas ang loob ng Team Pilipinas para sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos dumalo ang mga dating miyembro ng national team sa isang special send-off kahapon sa Meralco gym.
Nakasama nina Olympic Games teammates Rafael Hechanova at Antonio Genato si basketball great Robert Jaworski Sr., sa pagbibigay ng inspirasyon sa Nationals.
“We know we would not be here kung hindi po doon sa mga trailblazers natin who paved the way for us to be here,” sabi ni national head coach Yeng Guiao sa mga basketball legends. “Maraming salamat po sa pagpapalakas sa aming puso.”
Ang iba pang sumuporta sa Team Pilipinas ay sina Olympians Arturo Valenzona, Manny Paner, Ed Roque, Marte Samson at Jimmy Mariano.
Kinatawan naman nina dating national player at Ginebra stalwart Chito Loyzaga at Alaska team manager at governor Dickie Bachmann ang kanilang mga amang sina Caloy Loyzaga at Kurt Bachmann.
Sina Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio at executive director Sonny Barrios ang tumanggap sa koponan at sa mga special guests na pinamumunuan nina San Miguel governor Robert Non, Ginebra governor at San Miguel Corp. sports director Alfrancis Chua at PBA Commissioner Willie Marcial.
Bago ang send-off ay sumabak muna ang Team Pilipinas sa huli nilang team practice para sa kanilang pagharap sa Kazakhstan bukas at sa Iran sa Lunes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mayroon nang 10 players si Guiao at ang coaching staff para sa final roster na isasagupa sa Kazakhstan.
Hindi pa napagdedesiyunan ang paglalaro ni guard Stanley Pringle bilang naturalized player ng Team Pilipinas laban sa Kazakhtsan at si Standhardinger kontra sa Iran.
- Latest