FEU abante sa semis
Sinibak ang La Salle
Sumandal ang Far Eastern University sa triple ni Arvin Tolentino sa huling tatlong segundo upang angkinin ang 71-70 panalo kontra sa La Salle kahapon at masungkit ang huling Final Four berth sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Dumaan sa butas ng karayom ang Tamaraws bago nagwagi dahil lumamang pa ang Green Archers ng apat na puntos, 70-66 sa huling 63 segundo, ngunit nagsanib puwersa sina Ken Tuffin at Tolentino sa 5-0 run down-the-stretch upang makopo ang kanilang ika-anim sunod na pagpasok sa Final Four at pang-20th overall.
Mula sa pasa ni Jasper Parker agad umarangkada si Tolentino ng step-back triple sa sentro para sa winning goal ng Tamaraws at muling pumasok sa semis kontra sa top seed at nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa Linggo sa Araneta Coliseum.
Maghaharap naman ang second seed Adamson Soaring Falcons at third seed University of the Philippines Fighting Maroons sa ibang semifinal match sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“For offense purposes, we went down to guys who could provide us with the firepower and these were the likes of Tuffin (Ken) at Arvin (Tolentino). I really love how this team battles through adversities,” sabi ni FEU coach Olsen Racela.
Dikit ang laban mula umpisa hanggang matapos na umabot sa 10 lead changes at walong deadlocks bago tuluyang pinatalsik ng Tams ang Archers, nabigong pumasok sa semis sa unang pagkakataon simula 2015
“Naramdaman ko talaga ang sobrang saya. I’m so elated with this victory. Credit goes to the boys. They never give-up, not only in this playoff but all-throughout this season. You know, we have been up and down in this season. And the whole team refused to give-up,” dagdag ni Racela.
Umani si Tolentino ng 15 puntos, limang rebounds at dalawang steals habang si Barkley Ebona ay tumulong ng 12 puntos, 16 rebounds at isang assist at 11 naman mula kay Tuffin na may kasamang dalawang rebounds at isang assist para sa Tamaraws.
- Latest